Manila, Philippines – Iginiit nina Opposition Senators Kiko Pangilinan at Bam Aquino na nakasasalalay sa Majority Senators ang magiging kapalaran ng panukalang pagbasura sa dagdag buwis sa produktong petrolyo.
Pahayag ito nina pangilinan at Aquino makaraang simulan na ng kamara ang pagtalakay sa panukalang magbabasura sa excise tax sa langis na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ayon kina Pangilinan at Aquino, ilang buwan na ang nakalilipas ng maghain silang anim na miyembro ng Senate Minority Bloc ng resolusyon na gumigiit ng huwag ng ipatupad ang excise tax sa langis.
Bukod dito ay binanggit ni aquino na inihain din niya noong Mayo ang bawas presyo bill na target ayusin ang problemadong probisyon sa train law na nagpapataas presyo ng langis dahil sa dagdag na mga buwis na sinimulang ipataw ngayong 2018, hanggang 2019 at 2020.
Ang nabanggit na resolusyon at panukala ay nakabinbin sa committee on ways and means at lulusot anila ito kung susuportahan ng 17 mga Senador na kasapi na mayorya.