IGINIIT | Pisong dagdag pasahe sa jeep nais ni Sen. Gatchalian na maging epektibo lang ngayong 2018

Manila, Philippines – Iginiit ngayon ni Senator Win Gatchalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na gawing epektibo lang hangang sa katapusan ng 2018 ang pisong dagdag sa pamasahe sa jeep.

Sabi ni Gatchalian, pwede naman itong palawigin ng tatlo hanggang anim na buwan kung mananatiling mataas pa rin ang presyo ng langis sa taong 2019.

Layunin ng panukala ni Gatchalian na mabalanse ang interes ng mga pasahero at mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs).


Katwiran ni Gatchalian, mas madaling magtaas ng singil sa pamasahe kaysa magbaba nito kaya dapat mayroong safeguards ang implementasyon nito.

Kasabay nito ay nanawagan din si Gatchalian sa Department of Finance (DOF) at sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan ang Pantawid Pasada Program.

Ito ay para madetermina kung sapat pa ba ang limang libong pisong fuel subsidy na ipinagkakaloob sa mga jeepney drivers na naglalahong maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Facebook Comments