IGINIIT | Posibleng pagpapalawig muli ng Martial law sa Mindanao, labag sa konstitusyon

Manila, Philippines – Iginiit nina Liberal Party President Senator Kiko Pangilinan at Senate Minority Bloc Leader Franklin Drilon na labag sa konstitusyon ang posibleng pagpapalawig sa martial law na umiiral sa buong mindanao.

Paliwanag ni Pangilinan, malinaw ang nakapaloob sa saligang batas na ang Martial Law ay isang matinding hakbang na pinapataw lamang sa mga pambihirang kaso tulad ng aktwal na paghihimagsik o pananakop at sa loob lamang ng limitadong panahon.

Pinagbibigyang konsiderasyon din ni Pangilinan ang papalapit na midterm elections kung saan tiyak makakaapekto ang martial law sa pangangampanya ng mga kandidato ng oposisyon o hindi kaalyado ng administrasyon.


Diin naman ni Senator Drilon, maliban sa labag sa konstitusyon ay wala ding basehan na palawigin pa ang Martial Law na magtatapos ngayong December 31, 2018.

Ayon kay Drilon, hindi pasok sa itinatakda ng saligang batas ang sinasabi ni AFP chief of staff general Carlito Galvez na “lurking” o nakaamba ang terorismo sa Mindanao.

Hindi aniya dapat gawing normal ang Martial Law at ang dapat isakatuparan ay maibalik ang normalidad sa pamumuhay ng mga taga-Mindanao.

Nakakatiyak din si Drilon na sapat ang kakayahan ng militar at pulisya na pigilan ang panggugulo ng rebelde, kriminal at terorista sa Mindanao may Martial Law man o wala.

Facebook Comments