Manila, Philippines – Iginiit ni Liberal Party o LP president Senator Kiko Pangilinan na hindi katanggap tanggap ang nakaambang reenacted budget para sa taong 2019 lalo na at may eleksyong magaganap.
Paliwanag ni Pangilinan, kapag reenacted ang budget ay may lubusang kapangyarihan ang Pangulo na ideklara ang capital outlay component bilang “savings.”
Sinabi ni Pangilinan, kapag nangyari ito ay maaring magamit ang savings sa budget sa anumang programa, aktibidad, at proyekto.
Diin ni Pangilinan, bukod pa ito sa ilang mga lump-sum items sa budget, at bilyong pisong nakalaan sa intelligence at confidential fund ng Pangulo.
Kaugnay nito ay ipinaalala ni Pangilinan ang maraming taon kung saan nag-operate ang gobyerno sa ilalim ng reenacted budget noong panahon ng Arroyo administration.
Ayon kay Pangilinan, sa nabanggit na mga mga taon din lumitaw ang ilang mga alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan.