Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Bam Aquino ang pag-amyenda sa local government code sa halip na isagawa ang charter change o cha-cha para baguhin ang porma ng gobyerno patungong federalism.
Paliwanag ni Aquino, sa ganitong hakbang ay maibibigay ang mga hinihingi ng Local Government Units o LGUs nang hindi na kakailanganin pa na baguhin ang porma ng pamahalaan.
Diin ni Aquino, sa pag-amyenda sa local government code ay matutupad ang hiling ng LGUs na higit na kapangyarihan at higit kakayahan na magbigay serbisyo sa kanilang nasasakupan.
Babala pa ni Aquino, delikadong mabuksan sa pag-amyenda ang ating konstitusyon dahil marami ang pwedeng gawin dito na hindi nararapat.
Inihalimbawa ni Aquino ang pangambang payagan ng humaba ang termino ng ilang mga pinuno ng bayan gayundin ang paglalapat ng mga hindi makatwirang pagbabago sa ekonomiya at political structure ng ating bansa.