Manila, Philippines – Mahihirap na naman ang biktima sa kampanya kontra tambay.
Ito ang iginiit ni Senador Bam Aquino kasunod ng pagkamatay ni Genesis Argoncillo alyas Tisoy, isang pinaghihinalaang tambay na pinatay sa gulpi ng dalawang bilanggo habang nasa kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) Station-4.
Ayon kay Senador Bam, laging mahihirap na lang ang tinamatamaan ng mga programa ng pamahalaan, tulad ng war on drugs, TRAIN Law, at ngayon itong kampanya kontra tambay.
Sa halip na hulihin ang mga tambay, nanawagan ang senador sa pamahalaan na tulungan na lang ang mahihirap na pamilya na nalulunod na sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa TRAIN Law.
Si Aquino ay bumoto laban sa ratipikasyon ng TRAIN Law dahil masasagasaan nito ang mahihirap.
Para makatulong sa pagbaba ng presyo ng bilihin, naghain na si Senador Bam ng panukala na layong i-rollback ang excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law.