Manila, Philippines – Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa pamahalaan na magsagawa na agad ng command conference kasama ang lahat ng ahensya at national disaster body para sa paghagupit ng malalakas na bagyong Neneng at Ompong.
Diin ni Recto ang mga kalamidad na hahagupit sa bansa ang mas dapat atupagin ng administrasyon sa halip na pagbuhusan ng atensyon ang political storms.
Paalala ni Recto, ang matitinding kalamidad na tatama sa bansa ay hindi mamimili ng biktima kahit dilawan, ka-DDS o mga pulahan.
Ipinunto ni Recto na itinutumba na ang mamamayang Pilipino ngayon ng man-made calamities tulad ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Recto, magiging lubos na pahirap sa bayan kung magiging matindi ang pinsala ng bagyo dahil sa kawalan ng sapat na paghahanda ng gobeyrno na mas nakatutuok pa sa panig ng pulitika.