Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Energy Chairman Senator win gatchalian sa Department of Energy o DOE na kanselahin ang kautusan nito na inilabas noong August 10 para sa mga kompanya ng langis na muling magbenta ng euro 2 diesel.
Katwiran ni Gatchalian, kahit mura ang euro 2 diesel ay malinaw ang pahayag ng Dept. of Health na masama ito sa kalusugan dahil palalain nito ang polusyon sa kapaligiran.
Dagdag pa ni Gatchalian, salungat ito sa pinapairal sa buong mundo na paggamit ng euro 4 diesel.
Sinabi pa ni Gatchalian, magiging dagdag gastos din ito sa mga oil companies na kailangan pang bumili ng kagamitan para sa euro 2 diesel.
Inaasahan ni Gatchalian na ang dagdag na gastos ng mga kompanya ng langis ay ipapasa din sa publiko kaya mawawalan din ng saysay ang 30 sentimos na matitipid kada litro sa presyo ng euro 2 diesel.
Diin pa ni Gatchalian, ang deriktiba ng DOE ay kontra din sa isinusulong ng Department of Transportation na modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.