Manila, Philippines – Iginiit ng Makabayan Bloc sa Kamara na gawaran ng Filipino Citizenship si Sister Patricia Fox, ang Australian missionary na kinansela ng Immigration ang Missionary Visa dahil umano sa pakikilahok sa mga political activities sa bansa.
Naghain ng House Bill 7806 ang mga kongresista sa Makabayan para hilingin na bigyan ng Filipino citizenship si Sister Fox.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ang Kongreso ay naggawad na ng Filipino citizenship sa mga dayuhan na nag-donate ng eskwelahan o multipurpose halls para sa mga mahihirap na komunidad sa bansa.
Sinabi ni Zarate na marapat lamang din na ibigay na kay Sister Patricia ang pagkaPilipino dahil sa mga naitulong ng madre sa mga magsasaka, indigenous people at marginalized sector sa loob ng 27 taon.
Tinanggap aniya ng Filipino community si Sister Fox dahil namuhay at nakiisa ito sa mga ipinaglalaban ng mga mahihirap sa bansa.
Dagdag pa ng mambabatas, sa halip na i-deport ang madre ay dapat lamang na kilalanin ang mga sakripisyo nito para sa mga Pilipino at sa bansa sa loob ng halos tatlong dekada.