Manila, Philippines – Nanindigan si Senate President Tito Sotto III na walang mangyayaring pag-aresto sa loob ng Senado.
Ito ang inilabas na pahayag ni Sotto kasunod ng mga lumulutang na ulat na planong arestuhin kagabi si Senator Antonio Trillanes IV habang walang sesyon at kahit wala pang inilalabas na warrant.
Ayon kay Sotto, natanggap niya ang ulat mula sa mga taga-suporta ni Trillanes.
Kinumpirma rin ni Senator Francis Pangilinan na natanggap niya ang ulat.
Kasabay nito, nanawagan si Pangilinan sa sumusuporta na magtungo sa Senado at pigilan ang ilegal na pag-aresto kay Trillanes.
Umapela rin si Pangilinan sa AFP na igalang ang posisyon ng Senado.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa loob ng mataas na kapulungan ng Kongreso si Trillanes.
Una nang sinabi ni Defense Spokesperson Arsenio Andolong na maaring arestuhin ng militar si Trillanes kahit walang arrest warrant na inisyu ng korte.