Manila, Philippines – Isa si Senator Grace Poe sa mga nagpapasalamat ng lubos dahil pinakinggan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga panawagan na suspendehin ang dagdag na buwis na ipinapataw sa produktong petrolyo.
Pero giit ni Poe, dapat ngayon na ipatupad ang suspension at hindi na dapat hintayin pa ang January 2019.
Alinsunod sa itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, ang excise tax sa langis ay sinimulang ipatupad nitong Enero 2018.
Base sa TRAIN Law, ay may nakatakda pang pagtaas sa dagdag na buwis sa langis pagpasok ng January 2019 at 2020.
Ayon kay Poe, malinaw sa mga pagdinig na isinagawa ng pinamumunuan niyang committee on public services sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao na lalong naghirap ang mga maralitang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng inflation rate o presyo ng mga bilihin.
Bunsod nito ay binigyang diin ni Poe, na dapat agaran ang implementasyon ng pagpapahinto ng excise tax sa langis para mabawasan na ang pasanin ng mamamayan.