Manila, Philippines – Nais ng mga grupong nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga kabataan na magpatupad ng reporma ang pamahalaan upang higit na mapangalagaan ang interest ng mga bata.
Kabilang sa mga ito ay ang agaran at epektibong implementasyon ng mga batas at programang nagbibigay ng proteksiyon sa mga bata.
Sa Forum sa Kapihan sa Manila Bay kung saan panelists sina dating Senador Pia Cayetano, PGH Director Dr. Gerardo Legaspi at UNICEF Philippines Representative Lotta Sylwander, tinalakay ang ginawang pagpapababa sa edad ng dapat na panagutin sa kriminal na pagkakasala o pananagutan ang isang bata.
Ayon sa mga panelists, sa halip na 12-anyos o 9-anyos, kailangang itaas sa 15-anyos ang edad na dapat panagutin ang isang menor de edad.
Nababahala ang mga panelist na magamit o maabuso ng mga sindikato ang mga kabataan.
Sa panig ng UNICEF Philippines, sinabi ni Sylwander na ang Pilipinas bilang isa sa Signatories sa UN Convention on the Rights of the Child ay obligadong sumunod sa itinatadhana ng convention na protektahan ang mga kabataan at ang kanilang mga karapatan.
Nais aniya ng UNICEF na itaas ang minimum age of discernment sa kasong statutory rape sa 15-anyos imbes na 12-anyos.
Ang UNICEF ay 70-taon na sa Pilipinas at tinitiyak ni Sylwander na tuloy-tuloy ang pagkalinga at pagmamalasakit ng ahensiya sa mga kabataang Filipino at palakasin pa ang ugnayan sa Pilipinas.