IHAHARAP | Ebidensiyang shabu laban kay Kerwin Espinosa, pinahahakot na ng korte sa Metro Manila

Manila, Philippines – Kinatigan ng Manila Regional Trial Court ang kahilingan ng mga piskal ng Department of Justice (DOJ) na bigyan ng sapat na panahon upang makuha sa Baybay, Leyte ang ilegal na droga na ginamit na ebidensiya ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa itinuturing na druglord na si Kerwin Espinosa.

Sa naganap na pagdinig ni Judge Silvino Pampilo Jr., ng Manila Regional Trial Court Branch 26, binigyan ng hanggang Hunyo 8, 2018 ang panig ng prosekusyon upang iharap sa husgado ang nasamsam na shabu na nakuha ng PNP CIDG nang salakayin ang bahay ng mga Espinosa sa Baybay, Leyte noong 2017.

Nabatid sa mga taga-usig na inaayos na lamang ang seguridad at ang mga gagamitin at gagastusin sa pagbibiyahe ng mga nasabing ebidensiya patungo sa Metro Manila.


Hindi na tumutol ang kampo ni Espinosa na kinakatawan ngayon sa korte ng kilalang abogado na si Atty. Raymund Fortun.

Ayon kay Fortun, hindi rin sila handa na isalang sa pagtatanong ang star witness ng prosekusyon na si Marcelo Adorco lalo na at katatanggap lamang nila ng mga dokumento sa pagharap ni Adorco sa husgado.

Kasabay nito ay binigyan ng 5 araw ng hukuman ang panig ni Espinosa na magkomento sa Motion for Reconsideration ng prosekusyon matapos na mabasura ang hiling nila na magbitiw si Judge Pampilo sa pagresolba sa kaso.

Sa Hunyo 8 ay itinakda ang susunod na pagdinig ngunit kailangan sa naturang petsa o bago sumapit ang paglilitis ay maiharap na rin sa korte ang shabu.

Facebook Comments