Marawi City – Umaasa ang Department of Energy (DOE) na bago mag-Pasko o hanggang bago matapos ang taon ay mabibigyang liwanag na ang Marawi City.
Ito ay makaraang magbigay ang DOE katuwang ang iba’t ibang organisasyon at korporasyon ng 400 solar-powered lamps sa Task Force Bangon Marawi at 131 solar-powered street lights sa Lanao del Sur Electric Cooperative (LASURECO).
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, base sa kanilang E-Power Marawi Unconventional Program, target na malagyan ng mga solar street lights bago sumapit ang Pasko ang mga Transitional Shelter Site gayundin sa Main Battle Area.
Sinabi pa ni Cusi na maliban sa mandato nilang bigyang liwanag ang Marawi, nararapat lamang aniyang pasayahin ang mga Maranao dahil sa trauma na kanilang sinapit makaraan ang 5 bwang giyera sa pagitan ng Maute at tropa ng pamahalaan.
Tiniyak pa nitong nakahandang tumulong at magbigay suporta ang DOE sa Marawi para sa kanilang road to recovery.