Manila, Philippines – Hiniling na rin sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang panganib na maaaring idulot ng dengue vaccine sa libu-libong mga estudyanteng nabakunahan nito.
Sa resolusyon na inihain ni Quezon City Rep. Winston Castelo, inaatasan ang House Committee on Health na pangunahan ang imbestigasyon.
Nais ipasiyasat ng mambabatas kung bakit nagmadali ang DOH noong nakaraang administrasyon na bilhin ang bakuna ng Sanofi Pasteur sa halip na hintayin muna ang resulta ng clinical trial nito.
Nababahala ang kongresista sa napakalaking panganib na maaaring idulot nito lalo pa`t inamin ng Sanofi na maaaring magdulot ang kanilang vaccine ng malaking panganib sa mga kabataang naturukan ng bakuna na hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Nais din hanapan ng paraan ng Kamara kung papaano matutunton ang mga estudyanteng nabakunahan ng dengue vaccine at bigyang edukasyon ang mga magulang kung ano ang nararapat na gawin sakaling magkaroon ng seryosong sakit ang mga nabakunahan nito.