Caloocan City – Iniimbestigahan na ng Commission on Human Rights (CHR) kung saan at ano ang motibo sa pagpapakalat ng waiver form na ibinibigay sa mga kaanak ng mga umano ay biktima ng Extrajudicial Killings (EJKs) sa Caloocan City.
Nakasaad sa waiver ang mga fill in the blanks at sinumpaang salaysay na wala nang interest sa imbestigasyon ang kaanak ng EJKs victims.
Nakapaloob rin sa waiver na ipinagpapasadiyos na lang nila ang nangyari.
Kaya paalala ng CHR sa publiko lalo na ang pamilya ng EJK victims na maging mapanuri at huwag basta lumagda ng anumang waiver.
Giit naman ni Caloocan Police Chief Senior Superintendent Restituto Arcangel, hindi sa kapulisan galing ang waiver.
Naniniwala naman si Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde na parte lang ito ng paninira sa PNP.
Paliwanag ni Albayalde, kung iuurong ng pamilya ng EJK victims ang kaso ito ay sa pamamagitan ng affidavit of desistance na ginagawa sa harap ng imbestigador.
Aniya, para itong sinumpaang salaysay kung saan magtatanong ang imbestigador.
Pipirmahan aniya ito ng imbestigador at ang pamilya ng biktima at dapat ay nakanotaryo.