IIMBESTIGAHAN | Hirit na overtime pay at allowance ng mga staff ni Sereno, kabilang sa tatalakayin mamaya sa en banc session

Manila, Philippines – Ini-imbestigahan na rin ng Korte Suprema ang sinasabing kuwestiyonableng overtime, meal allowance at iba pang gastusin ng mga staff ni Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno.

Ngayong araw na ito, tatalakayin ng Supreme Court en banc ang memorandum mula kay Atty. Corazon Ferrer-Flores, hepe ng Fiscal Management and Budget Office ng Supreme Court, na humihiling sa en banc na desisyunan kung aaprubahan ba ang claim para sa overtime at allowances ng mga assisting staff, driver at security personnel ni Sereno.

Ipinunto ni Flores na pangunahing prinsipyo sa government accounting at auditing na ang pondo ng gobyerno ay dapat na inilalaan lamang para sa pampublikong layunin.


Dahil dito, kung ang myembro ng korte ay naka-leave of absence at hindi pumapasok sa trabaho, ang kanyang coterminous personnel ay hindi rin dapat bayaran para sa overtime service.

Isinumite ni Flores ang memorandum na naka-pangalan kay acting Chief Justice Antonio Carpio matapos na mag-isyu ng certification ang judicial staff head ng office of the chief justice na si Atty. Czarina Samonte-Villanueva, na humihirit ng kabayaran para sa overtime pay at allowances ng mahigit tatlumpung assisting staff, driver at security personnel ni Sereno.

Ang kahilingan ay para sa serbisyong inilaan ng mga staff ni Sereno mula March 1 hanggang March 31, 2018, kung saan si Sereno ay naka-indefinite leave na.

Facebook Comments