Manila, Philippines – Plano umanong talakayin ng Senado ang nangyaring magarbong Christmas party ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ginanap noong December 19 sa isang kilalang hotel.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, magpapatuloy sa Enero 17 ang pagdinig ng komite sa mga nakabinbing panukalang batas kaugnay ng PCSO charter at posibleng matalakay ang mga alegasyon ni PCSO Board Member Sandra Cam.
Matatandaang binatikos ni Cam sina General Manager Alex Balutan at Chairman Jorge Corpuz dahil sa umano ay paggasta ng mahigit 10 milyong piso para Christmas party ng ahensiya.
Itinanggi naman ni Balutan ang akusasyon at sinabing anim na milyon lamang ang kanilang ginugol kung saan nationwide ang isinagawang party at ang lahat ng empleyado nito ang nakinabang.