Manila, Philippines – Iniimbestigahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga permit na naibigay sa mga banyagang nagtatrabaho ngayon sa Pilipinas.
Ito ay matapos sabihin ni Senador Fraklin Drilon sa budget hearing ng DOLE noong September 19 na higit 400,000 mga dayuhan ang nagtatrabaho sa Metro Manila.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, iniutos na niya ang pag-review sa lahat ng employment permit sa mga dayuhan at ang pagkansela sa mga hindi sumunod sa pamantayan ng DOLE.
Aminado naman si Bello na bukod sa DOLE ay mayroon pang ibang mga government offices ang nagbibigay ng work permit sa mga dayuhan.
Batay sa datos na hawak ng ahensya, mula 2015, nasa 115,000 na foreign work permit ang inisyu ng DOLE at 51,980 dito ay puro mga Chinese nationals.