Inihain ng Senate Minority bloc ang Senate Resolution No. 915 na nagsusulong ng imbestigasyon sa tumataas na bilang ng mga namamatay sa anti-illegal drug operations ng Philippine National Police (PNP) sa Cebu.
Tinukoy sa resolusyon ang biglang pagtaas ng bilang ng nasasawi sa mga one-time, big-time” o OTBT operations ng malagay sa pwesto sina Cebu City Police Office Director Royina Garma at Police Regional Office-7 (PRO-7) Director Debold Sinas.
Nakasaad sa resolusyon na mga serye ng OTBT operations na isinagawa ng PRO-7, ay umaabot agad sa 29 na suspected drug personalities agad ang namatay, habang umabot naman sa 76 ang naaresto.
Binigyang diin sa resolusyon ang paalala sa PNP na tiyaking tama ang proseso sa pagsasagawa ng mga anti-crime o anti-drug operations.
Giit ng Minority bloc sa PNP, siguraduhin ang pagrespeto sa buhay at karapatang pantao ng mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga at gumamit lang ng pwersa laban sa mga ito kung kinakailangan.