Bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng National Investigation Task Group na tututok sa kaso ng mga pagpatay sa mga local chief executives sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, ang binuong task group ay pamumunuan ni Police Director Elmo Francis Sarona ang Director for Investigation and Detective Management ng PNP.
Mahigpit aniyang makikipag-ugnayan ang National Investigation Task Group sa ginagawang imbestigasyon ibat-ibang PNP units at mga binuong Special Investigation Task Group (SITG) may kinalaman sa pagpatay sa mga local chief executives.
Partikular na tutukan ng task group ang pagpatay kina Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco, Vice Mayor John Ungab, Tanauan City Mayor Antonio Halili, Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote at Trece Martires City Vice Mayor Alex Lubigan.
Matatandaang pinakahuling pinatay na alkalde ay si Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco at lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng binuong SITG ay away sa pulitiko ang dahilan ng pagpatay sa alkalde.