Iginiit ngayon ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na simulan na ang pagpapa-imbestiga sa umano’y pananagutan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng ikinasa nitong giyera kontra iligal na droga.
Hirit ito ng Kabataan Party-list, makaraang payagan ng korte na makapagpiyansa at makalaya si dating Senator Leila De Lima na sinampahan ng patong-patong na kasong may kaugnayan sa iligal na droga sa panahon ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Manuel, ang pitong taon na pagkakulong ni De Lima ay isang patunay kung gaano kapalpak ang justice system sa ating bansa.
Malinaw para kay Manuel na ang tunay na layunin ng umano’y peke at madugong war on drugs ay hindi para hulihin ang mga drug lord kundi para patahimikin lang ang mga kritiko ni dating Pangulong Duterte.
Bunsod nito ay umaapela si Manuel na marepaso ang kaso ni De Lima at hayaan ang International Criminal Court na imbestigahan si dating Pangulong Duterte at mga opisyal ng kanyang administrasyon na nagpatupad ng war on drugs.