Manila, Philippines – Iniimbestigahan na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang sindikatong nasa likod ng tangkang pagpapapuslit sa isang menor de edad na aalis sana patungo ng Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, naghihinala sila na ang babae ay nabiktima ng sindikato na nagtatangkang magpaalis ng mga biktima gamit ang pekeng Overseas Employment Certificates (OEC) o sa pamamagitan ng ibang pagkakakilanlan.
Ang disi siete anyos na babae ay naharang ng immigration officers sa NAIA 1.
Nagpanggap ang biktima na siya ay bente tres anyos at gumamit ito travel documents ng ibang tao.
Noong nakalipas na linggo, naharang din sa NAIA ang isang bente anyos na babae na patungo sana ng Dubai, UAE pero natuklasang gumamit ng travel document ng isang bente singko anyos na OFW.