Nagpasa ng resolusyon ang 17 Metro Manila Mayors (MMC) upang manawagang magkaroon ng iisang ordinansa laban sa paggamit ng booster shots.
Batay sa rekomendasyong inilabas ng MMC, nakasaad dito na dapat na sumailalim sa oath o manumpa ang tatanggap ng bakuna na hindi pa ito fully vaccinated laban sa COVID-19.
Dapat namang pagmultahin ang sinumang mapapatunayang responsable sa pag-iimbak ng bakuna para gamiting booster shots dahil maituturing itong labag sa batas.
Kabilang sa dapat parusahan ang mga nagbabakuna, nagpapabakuna, at facilitators batay sa umiiral na batas at regulasyon.
Matatandaang una nang iminungkahi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapatupad ng parusa sa sinumang Local Government Unit (LGU) na maglalaan ng bakuna para sa booster shots sa kabila ng hindi pa nito pagkakaroon ng rekomendasyon mula sa Department of Health (DOH).