Ika-10 anibersaryo ng Maguindanao massacre, ginugunita ngayong araw!

Ginugunita ngayong araw ang ika-sampung anibersaryo ng Maguindanao massacre.

Pero makalipas ang isang dekada, tila mailap pa rin ang hustisya sa para sa 58 biktima ng malagim na karahasan.

Umaasa ang mga pamilya ng mga pinaslang na biktima na mapapanagot na ang mga suspek partikular ang mga itinuturong mastermind na sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at dating Datu Unsay Mayor na si Andal Ampatuan Jr.


Nitong November 20 sana nakatakdang ilabas ang desisyon sa kaso pero humingi si Quezon City RTC Judge Jocelyn Solis-Reyes ng isang buwang extension, bagay na kinatigan ng Korte Suprema.

Para kay Maguindanao Cong. Toto Mangudadatu – umaasang magiging paborable para sa mga biktima ang desisyon ng korte.

Taong November 23, 2009, papunta ang 32 miyembro ng media sa kapitolyo ng Maguindanao para sa paghahain ng certificate of candidacy ni Mangudadatu bilang gobernador ng probinsya.

Kasama ng media sa convoy ang asawa, kaanak at abogado ni Mangudadatu pero hinarang sila ng higit 100 armadong lalaki at saka sila pinagbabaril.

Nadiskubre rin ang backhoe na ginamit para ilibing ang mga biktima.

Nasa 197 ang kinasuhan kabilang ang mag-amang Ampatuan, habang nasa 79 ang tinutugis pa.

Si Ampatuan Sr. ay namatay sa kulungan noong 2015 at hindi na naabutan ang promulgation ng kanyang kaso.

Facebook Comments