Ginunita sa iba’t ibang bahagi ng Rehiyon Uno ang ika-11 anibersaryo ng SAF 44 kahapon, Enero 25, kasabay ng National Day of Remembrance na itinatag sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 164.
Ang paggunita ay nakatuon sa pag-alala sa 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force na nasawi noong Enero 25, 2015 sa isang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao habang nagsisilbi ng warrant of arrest laban sa mga target na terorista.
Nagsagawa ng magkakahiwalay na seremonya at aktibidad ang mga yunit ng Philippine National Police sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon upang alalahanin ang sakripisyo ng SAF 44.
Sa La Union, idinaos ang isang programa sa Luna Memorial Park na kinabibilangan ng pag-aalay ng bulaklak, pagsisindi ng kandila, at panalangin bilang pagpupugay sa mga nasawing pulis.
Samantala, sa Ilocos Norte, isinagawa ang anim na kilometrong solidarity march sa downtown Laoag noong Enero 24, isang araw bago ang National Day of Remembrance.
Ang National Day of Remembrance para sa SAF 44 ay pormal na itinatag noong 2017 upang magsilbing taunang araw ng pag-alala sa insidente at sa mga pulis na nasawi sa operasyon.










