Ika-12 Cabinet meeting ng Marcos administration, tinalakay rin ang digital masterplan

Natalakay sa ika-12 Cabinet meeting ngayong araw ang digital masterplan ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Office of the Press Secretary (OPS) OIC Usec. Cheloy Velicaria – Garafil, pinangunahan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary John Ivan Uy ang presentasyon ng plano at mga programa ng kanilang kagawaran para sa kabuuang hakbang ng pamahalaan tungo sa digitalization.

Matatandaan na isa ang paglipat sa digitalization ng mga proseso ng pamahalaan, sa isinusulong ng administrasyong Marcos, para mapadali ang pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.


Ang digitalization rin ay isa sa mga hakbang ng gobyerno upang patuloy na makahimok ng mga mamumuhunan sa Pilipinas, at upang mapadali ang transaksyon at pagni-negosyo sa bansa.

Samantala, napag-usapan din sa pulong ang health protocols ng Pilipinas pagdating sa pagbiyahe, at ang panukalang gawing mas maluwag ang travel restrictions sa bansa.

Facebook Comments