Ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, pangungunahan ni PRRD sa Lanao del Sur

Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ang selebrasyon ng ika-121 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Lanao del Sur.

Dadaluhan ni Pangulong Duterte ang Independence Day celebration na may temang: “Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan” sa isang kampo ng militar sa Lanao mamayang hapon.

Base sa tentative schedule, inaasahang dadaluhan ng Pangulo ang flag-raising at wreath-laying ceremony sa alas-2:00 ng hapon para sa Independence Day rites sa 103rd Brigade Camp.


Magkakaroon din ng Independence Day address ang Pangulo at bibigyang pugay ang mga ninunong ipinaglaban mula sa mga mananakop ang kalayaan ng bansa.

Nakasaad naman sa website ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), magkakaroon ng simultaneous flag-raising at wreath-laying rites sa iba’t-ibang lugar sa bansa simula mamayang alas-8:00 ng umaga.

Ang Independence Day celebration ay mayroong “mga pampamahalaang programa at serbisyo” na nag-aalok ng iba’t-ibang community service sa Rizal Park, Manila.

Ang Department of Health (DOH) ay magkakaroon ng libreng medical, dental at optical services mula alas-7:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon sa Rizal Visitors Center.

Mayroon ding “Kalayaan Job Fair” sa San Andres Gymnasium sa Malate, Manila mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Facebook Comments