IKA-35 ANIBERSARYO NG LUZON KILLER EARTHQUAKE, GINUNITA SA DAGUPAN CITY

Ginunita ng buong lungsod ng Dagupan sa ganap na 3:00 ng hapon kahapon, Hulyo 16, ang ika-35 anibersaryo ng 1990 Luzon Earthquake, isa sa mga pinakamapinsalang lindol sa kasaysayan ng bansa.

Bilang bahagi ng paggunita, tumunog ang mga emergency sirens sa loob ng 30 segundo sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Pagkatapos ng tunog ng sirena, nagsagawa ng sabayang panalangin para sa proteksyon laban sa kalamidad ang mga kawani ng pamahalaan, mga paaralan, at buong komunidad.

Layunin ng aktibidad na alalahanin ang mga biktima ng naturang trahedya at paigtingin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng kahandaan sa panahon ng sakuna.

Ang 1990 Luzon Earthquake ay naganap noong Hulyo 16, 1990, ganap na 4:26 ng hapon, na may lakas na magnitude 7.7. Malawak ang naging pinsala sa mga lalawigan sa Gitna at Hilagang Luzon, kabilang ang Dagupan, at tinatayang mahigit 1,600 ang nasawi.

Ang taunang paggunita ay nagsisilbing paalala ng kahalagahan ng patuloy na paghahanda, pagkakaisa, at pananampalataya sa harap ng mga hamon ng kalikasan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments