Ika-7 sunod na linggong taas-presyo sa mga produktong petrolyo, aarangkada ngayong linggo; Russia-Ukraine tension, posibleng magpamahal pa sa presyo ng krudo – DOE

Sa ikapitong sunod na linggo ay magmamahal na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagtaya ng oil industry, P1.10 hanggang P1.20 ang posibleng taas-presyo sa kada litro ng gasolina.

Maglalaro naman sa P0.90 hanggang P1.00 ang taas-presyo sa diesel habang P0.60 hanggang P0.70 sa kerosene.


Sa anim na sunod-sunod na linggong oil price hike, P9.15 kada litro na ang iminahal sa presyo ng diesel; P6.75 sa gasolina at P8.45 sa kerosene.

Ibig sabihin, dahil sa panibagong oil price hike, Pebrero pa lamang ay lalagpas na sa P10 ang kabuuang iminahal sa diesel.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, may kakulangan talaga sa suplay ng krudo sa global market.

Bukod kasi sa pagbubukas ng ekomiya nong maraming bansa sa buong mundo, pinangangambahan ding makaapekto sa suplay at presyo ng krudo ang nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“Hanggang ngayon po, ang market po ay may kakulangan dun sa supply ng crude oil. Yung mga global inventory, in fact ngayon, compared to last year ang decline po ng mga storage record ng global supply ng oil ay umaabot ng 499 million barrel,” paliwanag ni Abad.

“May mga geopolitical risks na po na lumalabas, nagkaproblema sa Libya, nagkaproblema sa Kazakhstan, at recently itong Ukraine-Russia conflict which is actually hindi pa siya actual supply disruption pero nagpu-push siya ng speculations sa takot ng market na magkaroon ng giyera at kapag nagkaroon ng giyera, magkakaroon ng sanction at kasama na po d’yan yung oil at gas na pinakamalaking export ng Russia,” dagdag niya.

Facebook Comments