Ika-limang round ng peace talks, tuluyan ng sinuspendi ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines

Manila, Philippines – Tuluyan ng sinuspendi ng gobyerno na ipagpatuloy pa ang ika-limang yugto ng usaping pangkapayaan sa Communist Party of the Philippines- New People’s Army-National Democratic Front.

Ayon kay Presidential Peace Adviser Sec. Jesus Dureza, ito ay dahil na rin sa kautusan ng lider ng CPP na pag-ibayuhin ang kanilang paglaban sa gobyerno sa gitna ng deklarasyon ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Aniya, ang patuloy na pag-atake ng New People’s Army ay naglalagay sa alanganin sa isinusulong na usapang pangkapayapaan.


Tiniyak rin ni Dureza na hindi magpapatuloy ang nakatakda sanang ika-limang round ng peace negotiations hangga’t walang malinaw na indikasyon na makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyon.

Sinabi naman ni NDFP Peace Panel Chair Fidel Agcaoili, masyadong one-sided ang pananaw ng pamahalaan sa nasabing kautusan ng CPP.

Gusto aniya ng pamahalaan na itigil ng npa ang mas pinaigting na opensiba pero hindi man lang nabanggit ang mga ginagawang paglabag ng gobyerno sa karapatan ng mga tao.

Ang mga naturang paglabag aniya ang ginawang basehan ng CPP para ipagpatuloy nito ang pagtatanggol sa mga mamamayan.

Nakatakda sanang ganapin ang ika-limang round ng peace talks sa Netherlands sa mayo 27 hanggang Hunyo 1.

Facebook Comments