
Maagang dumating sa Department of Justice (DOJ) ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero, mga abogado ng magkabilang kampo, at si Julie Patidongan o alyas Totoy ang nagsiwalat sa umano’y pagkakasangkot ng negosyanteng si Atong Ang at celebrity na si Gretchen Barretto sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kinumpirma ni Atty. Gabriel Villareal, abogado ni Ang, na bukod sa kaniyang kliyente, nagsumite na rin ng counter-affidavit ang 3 anak ni Ang at manugang sa DOJ kahapon para sagutin ang mga reklamong inihain laban sa kanila.
Nanindigan ang kampo ni Ang na walang basehan ang mga akusasyon at hindi umano tumutugma ang mga pahayag ng complainant sa mga tunay na pangyayari.
Bukod sa preliminary investigation, magsasagawa rin ng clarificatory meeting ang piskalya para sa mga karagdagang katanungan sa mga complainant at respondent kaugnay ng mga ebidensiyang isinumite ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Inaasahang magsusumite ng kontra-salaysay ang mahigit 60 respondent sa reklamo at una nang sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor Atty. Charlie Guhit na susuriin ito ng mga piskal kung iaakyat sa korte o ibabasura ang kaso.









