Pinalipad na sa kalawakan ng Department of Science and Technology (DOST) ang ikaapat na satellite na gawang Pinoy –– ang “Maya-2 cubesat”.
Kasamang nitong pinalipad kahapon sa pamamagitan ng International Space Station (ISS) ang Guaranisat-1 cubesat ng Paraguay at Tsuru cubesat na nasa ilalim ng BIRDS 4 satellite project ng Kyushu Institute of Technology (Kyutech).
Ang Maya-2 ay gawa ng tatlong Filipino student engineers na sina Engr. Izrael Zenar Bautista ng University of the Philippines; Engr. Mark Angelo Purio ng De La Salle University at Adamson University; at Engr. Marloun Sejera ng Mapua University.
Pare-pareho silang mga estudyante ngayon ng Doctoral Degree in Space Systems Engineering and Space Engineering sa Kyutech sa Japan.
Ayon sa DOST, magagamit ang malilikom na impormasyon ng Maya-2 para sa analysis ng panahon at infectious diseases.
March 2016 nang pakawalan ang kauna-unahang microsatellite ng bansa –– Diwata-1 na sinundan ng pagpapalipad sa Diwata-2 noong October 2018.
June 2018 naman nang lumipad ang Maya-1.
Ngayong taon, target na paliparin sa kalawakan ang Maya-3 at Maya-4 cube satellites habang kasalukuyan na ring dine-develop ang micro satellites na sina Diwata-3 at Diwata-4.
Taong 2019 nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11363 na nagtatag sa Philippine Space Agency.