IKAKALAT| MMDA, naglaan ng mga city bus sa mga lugar na apektado ng kakulangan ng jeep dahil sa ipinatutupad na oplan ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’

Manila, Philippines – Aarangkada na ngayong araw ang 20 city bus sa mga lugar na apektado ng kakulangan sa jeep bunsod ng “Oplan Tanggal Usok, Tanggal Bulok.”

Ayon kay Jojo Garcia, acting General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ikakalat ang mga special city bus sa biyaheng Fairview hanggang Quiapo, at Novaliches hanggang Pasay Rotonda.

Aniya, lifted ang coding sa mga bus na papaskilan ng karatulang special trip pero bawal silang dumaan sa EDSA.


Gaya ng pasahe sa jeep, P8 din ang minimum fare na babayaran sa bus, mapa-regular o air-conditioned.

Sinabi pa ni Garcia na inuna munang pasadahan ng mga special city bus ang mga maluluwag na kalsada para hindi tumukod ang trapiko.

Magpapakalat naman aniya sa susunod na linggo ng mga city bus sa Commonwealth (Quezon City), Guadalupe (Makati), at Masinag (Antipolo).

Samantala, ibabalik ng MMDA ang mga “point-to-point” bus para sa mga pasaherong problemado sa MRT-3 simula Pebrero 1.

Dadaan ang mga ito sa yellow lanes ng EDSA na may kasamang escort mula Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG).

Facebook Comments