Tuesday, March 31, 2026

Ikakasang joint hearings ng Kamara, dapat tiyaking magbibigay ng totoong solusyon

Pinapatiyak ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc na tunay na magbibigay ng solusyon pabor sa taumbayan ang magiging resulta ng iniutos ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na joint hearings ng 13 komite para hanapan ng solusyon ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.

Ayon kina Representatives Antonio Tinio, Sarah Jane Elago, at Renee Co ng Makabayan Bloc, ang kailangan ng mamamayan ngayon ay magpasa ng mga batas na direktang magpapababa sa presyo ng mga bilihin, tutuldok sa profiteering, at bubuwag sa palpak na deregulation framework.

Hirit ng Makabayan Bloc sa liderato ng Kamara na iprayoridad ang mga committee hearings para sa panukalang pag-regulate sa downstream petroleum industry at pagrepaso sa Oil Deregulation Law.

Diin nina Tinio, Elago, at Co na dapat maging malinaw ang gastos at tubo sa bawat litro ng langis at dapat may kapangyarihan ang Estado na pigilan ang garapalang taas-presyo.

Giit ng Makabayan Bloc na ang nakatakdang mga joint hearings ay dapat nakabatay sa pangangailangan ng mamamayan at hindi para protektahan ang labis na tubo o kita ng kartel ng mga kompanya ng langis.

Facebook Comments