Ikalawang bahagi ng COVID-19 donation ng Philippine private sector, inaprubahan ng AstraZeneca

Inaprubahan ng United Kingdom-based pharmaceutical firm na AstraZeneca ang ikalawang bahagi ng donasyon ng pribadong sektor para sa COVID-19 vaccines.

Matatandaang lumagda ng kasunduan ang pamahalaan sa 30 kinatawan ng pribadong sektor at AstraZeneca Philippines para sa supply ng 2.6 million doses ng COVID-19 vaccines.

Sa ilalim ng kasunduan, kahalati ng bakuna ay ido-donate sa pamahalaan, partikular sa Department of Health (DOH) habang ang nalalabing kalahati ay mapupunta sa mga manggagawa ng pribadong sektor.


Ayon kay Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion, nangangahulugan lamang ito na maaari nang simulan ng pribadong sektor ang pagpoproseso ng pagbili ng karagdagang bakuna.

Ang mga bakuna sa ilalim ng private sector initial procurement ay target na gawing available sa bansa sa Mayo o Hunyo ng susunod na taon.

Bago ito, binawi ng AstraZeneca ang application nito sa pagsasagawa ng clinical trials sa Pilipinas dahil sapat ang kanilang datos para patunayang mabisa ang kanilang bakuna.

Facebook Comments