Ipinatupad na ng pamahalaan ang second phase ang ikalawang bahagi ng National Action Plan (NAP) laban sa COVID-19.
Ayon kay National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., nakatuon ang second phase sa pagtitiyak sa kalusugan ng bawat Pilipino at pagpapasigla ng ekonomiya.
Layunin nitong mapanatili ang mga napagtagumpayan sa first phase ng NAP, maipagpatuloy ang pagpapalakas ng health system ng bansa, mapababa ang bilang ng mga namamatay para sa COVID-19 at non-COVID cases, at ihanda ang mga Pilipino sa “new normal.”
Sa ilalim ng NAP 2, gagamit ng “Hammer and Dance Theory” kung saan kokontrolin ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng zoning containment strategy o targeted lockdowns habang binabangon ang ekonomiya.
Mahigpit na ipapatupad ang health at safety standards sa lahat ng quarantine classifications, kabilang ang pagpapaigting sa testing capacity at contact tracing lalo na sa high-risk communities, pagkakaroon ng epektibong isolation, quarantine at treatment ng COVID-19 cases.
Idinisensyo ang NAP 2 para sa pagpapatupad ng crisis management plans, kung saan pakikinggan at ikokonsidera ang rekomendasyon mula sa lahat ng sektor ng lipunan.
Magtatayo pa ng karagdagang ICU at isolation beds, testing laboratories, referral hospitals, swabbing centers at quarantine facilities sa bansa.
Pinatitiyak din nito ang benepisyo at suporta sa lahat ng health frontliners mula sa government at private sector.
Kabilang din sa plano ang pag-hire ng karagdagang 10,000 healthcare workers.
Hihingi ng tulong ang pamahalaan sa pribadong sektor para maisakatuparan ang NAP 2.
Umaapela rin ang gobyerno sa lahat na suportahan ito.
Humingi rin ang pamahalaan sa lahat ng pang-unawa, pasensya at tawag ng tungkulin na protektahan ang sarili mula sa pandemya sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards.