Thursday, January 22, 2026

Ikalawang batch ng kaso laban sa 8 opisyal ng DPWH at contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Davao Occidental, isasampa ng Ombudsman

Nakatakdang magsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman laban sa walong opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Davao Occidental at contractors na sangkot sa P96.4 million ghost infrastracture sa naturang probinsiya.

Ang mga kaso ay isasampa sa Regional Trial Court of Digos City laban kina District Engineer Rodrigo C. Larete, Assistant District Engineer Michael P. Awa, ilang Section Chiefs, Project Engineers at Inspectors ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office.

Kasama pa sa mga sasampahan ang mga pribadong indibidwal na sina Ma. Roma Angeline Rimando at Cezarah Rowena Discaya, ng St. Timothy Construction Corporation.

Kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga opisyal ang Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pagsasabwatan ng mga respondents para mapadali ang paglalabas ng ₱96,500,000 na pondo sa konstruksiyon ng proyekyo sa Barangay Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Sinuspindi na rin ng Ombudsman sa loob ng 60 araw ang mga opisyal ng DPWH Davao Occidental na sangkot sa maanomalyang proyekto.

Facebook Comments