Muling umarangkda ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” ng pamahalaan sa lungsod ng Maynila.
Isinagawa ito sa Torres Covered Court sa Brgy. 154 sa Tondo kung saan karagdagang 25 benipisyaryo ang nakinabang sa nasabing programa.
Nabatid na sa kabuuan, nasa 50 benipisyaryo mula sa Tondo, Maynila ang may hawak na ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card na may laman na P3,000.00
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Edu Punay, ang first batch na may 25 beneficiaries ay may hanggang anim na buwan para sa redemption habang ang full blast ng program ay hanggang sa buwan ng Disyembre.
Aniya, hindi lamang pagkain ang ibibigay ng pamahalaan kundi tuturuan din ang kada pamilya na magkaroon ng hanapbuhay at isasailalim sila sa pagsasanay.
Sinabi ni Punay na target nila na isailalim sa food stamp program ang nasa 300,000 na mahihirap na pamilya kung saan unti-unti itong madaragdagan hanggang maabot ang isang milyon na bilang.
Bahagi ang nasabing programa ng adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na matuldukan ang problema sa kagutuman, maabot ang target na food security, mapaigting ang nutrisyon at ang matatag na agrikultura pagsapit ng taong 2030.