Ikalawang batch ng mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa Myanmar, naibalik na sa Pilipinas

Sakay ng isang chartered plane ay nakauwi na sa bansa ang higit sa 100 Pinoy na biktima ng human trafficking sa Myanmar.

Mula sa Myanmar ay dinala ang mga Pinoy sa Bangkok, Thailand kung saan sila ay sinalubong ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA), bago tumulak pabalik ng bansa ngayong umaga.

Pagdating sa NAIA Terminal 1 ay sinalubong din sila ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga kinatawan nito kabilang na ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice – Inter Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT).


Ang DSWD ay nangako ng tulong pinansyal para sa mga Pinoy na nabiktima ng human trafficking, kasabay nito ay kakausapin ng DSWD ang mga biktima upang mabigyan ng rehabilitation at reintegration bago sila umuwi sa kani-kanilang pamilya.

Humarap din sa mga miyembro ng media, sa ginanap na press conference ngayong umaga ang BI at IACAT upang ipaalam na patuloy ang kooperasyon ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sugpuin ang ganitong uri ng human trafficking.

Ang mga nabibiktima ay idinadaan sa backdoor na ruta at nagpapalipat-lipat ng lugar at tumatawid sa iba’t ibang border hanggang makarating sa Cambodia, Laos o Myanmar kung saan naroon ang mga scam hub na pinagdalhan sa mga Pinoy na biktima ng trafficking.

Facebook Comments