Posibleng magpalabas ngayong linggo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng ikalawang bugso ng bayad nito sa mga COVID-19 claims ng mga ospital sa bansa.
Ayon kay Dr. Shirley Domingo, Vice President for Corporate Affairs ng PhilHealth, inaasahang ipalalabas ang bayad sa pamamagitan ng Debit Credit Payment Method (DCPM) ng ahensiya.
Ang DCPM ay paraan para mapabilis ang pagpapalabas ng PhilHealth ng cash para sa mga unpaid claims ng mga ospital sa mga kaso sa COVID-19.
Sa ilalim nito, 60% muna ng bayad ang ipapalabas kung saan aalamin din ng state insurer kung may surge ng kaso ng COVID-19 sa mga lugar kung saan naroon ang mga ospital na naniningil ng claims.
Nasa P9 bilyon ang unang binayaran ng PhilHealth sa mga ospital sa ilalim ng DCPM.
Pinag-aaralan namang gawing nationwide ang expansion o pagpapalawig ng sistema ng DCPM.