Ikalawang contempt kay Cassandra Ong at pagkulong sa women’s correctional, binawi ng Quad Committee

Mananatili sa detention facility ng Kamara si Cassandra Li Ong matapos bawiin ng House Quad Committee ang ikalawang pag-contempt sa kanya at parusang ikulong siya sa women’s correcional sa Mandaluyong.

Ito ay dahil naging kuntento ang Quad Committee sa pakikipagtulungan ni Ong sa imbestigasyon nito sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong ng mga kongresista ukol sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Bukod dito ay pumayag din ang Kamara sa hiling ng senado na humarap si Ong sa susunod na pagdinig nito sa Setyembre.


Si Ong ay sinasabing incorporator ng Lucky South 99 at corporate secretary ng whirlwind corporation.

Ang Lucky South 99, ay ang POGO hub sa Porac, Pampanga na ni-raid kamakailan ng mga awtoridad.

Paglilinaw ni Ong, hindi siya sangkot sa POGO at hindi rin sya shareholder.

Ayon kay Ong, rental business lang ang meron sila at umuupa lang ang Lucky South 99 sa lupa nila.

Inamin din ni Ong na boyfriend niya si Wesley Guo na kapatid ni dating Bamban Mayor Alice Guo.

Samantala, pinalaya na rin ng Quad Committee si Ronalyn Barterna na syang corporate secretary ng Lucky South 99 kapalit ang pangako na patuloy itong haharap sa mga susunod na pagdinig.

Facebook Comments