Ikalawang COVID-19 booster shot, ikakasa na rin sa Kamara

Ikakasa na rin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagtuturok ng ikalawang COVID-19 booster shots para sa mga House members at mga kawani partikular sa mga “immunocompromised.”

Inanunsyo sa inilabas na memorandum ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, na ngayong linggong ito ay magiging “available” ang ikalawang booster shot.

Ang pagbabakuna ng ikalawang booster shot ay bahagi pa rin ng CONGVax Program ng Kamara.


Samantala, sa memorandum pa rin ng secretary general ay inatasan ang mga pinuno ng mga opisina sa Kamara na magsumite ng listahan ukol sa “COVID-19 vaccination status” ng mga House member at empleyado partikular ang mga hindi nagpabakuna sa CONGVax Program ng Kamara.

Ito ay pagtalima naman sa direktiba ng Inter-Agency Task Force o IATF sa lahat ng National Government Agencies o NGAs at Kamara na magsumite ng report hinggil sa vaccination status ng kanilang mga empleyado.

Facebook Comments