Binasura ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ang ikalawang cyber libel case na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng laban kay Rappler CEO Maria Ressa.
Ito ay matapos na iatras ni Keng ang nasabing kaso laban kay Ressa kung saan kinatigan ni Presiding Judge Andres Bartolome Soriano ng Manila RTC Branch 148 ang manifestation nito.
Noong May 25, 2021, naghain ng motion si Keng na naglalayong ma-dismiss ang civil aspect ng kaso at payagan ang kanyang mga testigo na huwag na humarap sa paglilitis.
Bukod sa civil aspect ng kaso, hiniling din ni Keng na ipawalang-saysay na rin maging ang aspetong kriminal kaugnay sa kaniyang demanda.
Kaugnay nito, ipinag-utos naman ni Judge Soriano na ibalik kay Ressa ang piyansang ₱24,000 na kaniyang naihain sa korte noong November 27, 2020.
Kasunod nang pag-atras ng private complainant, aminado ang prosekusyon na wala ng pagbabatayan sa pagsusulong ng kaso upang patunayang nagkasala sa ikalawang cyber libel si Maria Ressa.
Ang nasabing kaso ay binasura with prejudice, kung saan nangangahulugan ito na hindi na maaaring buhayin o isampa muli ang kaso
Ang naturang cyber libel case ay isinampa noon ni Keng laban kay Ressa matapos nitong i-tweet ang screenshots ng artikulo ng Philippine Star na nagdadawit sa negosyante sa isang kaso ng pagpatay.