Wednesday, January 21, 2026

Ikalawang National Decongestion Summit, isasagawa ng Korte Suprema kasama ang DOJ at DILG

Sisimulan ngayong araw ang ikalawang National Decongestion Summit sa pangunguna ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na binubuo ng Korte Suprema, Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Layunin ng tatlong araw na aktibidad mula January 21 hanggang 23, 2026 na paigtingin ang mga hakbang upang maibsan ang matinding pagsisikip ng mga piitan sa bansa.

Kabilang sa mga tatalakayin ang planong pagsasama ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa isang integrated correctional system, alinsunod sa Nelson Mandela Rules.

Bibigyang-diin din ang restorative justice, gayundin ang pagpapabuti sa kalkulasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) upang mapabilis ang pagpapalaya sa mga kwalipikadong Persons Deprived of Liberty (PDL).

Tatalakayin rin ang mahalagang papel ng mga law students sa decongestion efforts sa pamamagitan ng Clinical Legal Education Program.

Bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng boses sa mga kasalukuyan at dating Persons Deprived of Liberty (PDL) sa pagbalangkas ng mga polisiya, upang matiyak na ang mga reporma ay nakabatay sa aktuwal na karanasan sa loob ng mga pasilidad.

Facebook Comments