Umarangakada na ngayong araw ang ikalawang plebisito para sa itinatatag na Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao o BARMM.
Ayon kay Comelec Education and Information Department Director, Atty. Frances Arabe – naipamahagi na nila ang mga paraphernalia na gagamitin sa botohan ngayong araw.
Aniya, nakahanda na rin ang mga guro na magsisilbing plebiscite committee member gayundin ang mga pulis na posibleng pumalit sa mga guro sakaling magkaroon ng problema.
Binuksan na rin ang mga voting precincts mula alas-7:00 ngayong umaga hanggang alas-3:00 mamayang hapon.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez – manu-mano pa rin ang sistema ng pagboto.
Ang tanging sasagutin lamang ng mga botante sa balota ay “oo” o “hindi” para sa tanong na kung payag ba ang mga ito na isama ang kanilang lugar sa BARMM.
Lalahok sa ikalawang plebisito ang mga residente sa Lanao del Norte at North Cotabato.
Nakikita ng Comelec na isa sa pinakamalaking concern ay ang posibleng spill-over o mangyari rin sa mga lugar na pagdarausan ng plebisito ang mga kaguluhan na nangyayari sa ibang bahagi ng Mindanao.
Pero positibo si Jimenez na magiging matiwasay at maayos ang gagawing ikalawang plebesito.
Nagtalaga na rin ang special monitoring teams ang Comelec para tumulong sa plebisito.
Umaasa rin ang poll body na higit 70% ang magiging voters’ turnout lalo at ang mga lugar na sasalang sa plebisito ay politically active areas.
Dagdag pa ni Jimenez – magre-reconvene din ang National Plebiscite Board of Canvassers (NPBOC) lalo at gagawin sa Maynila ang canvassing ng resulta ng plebisito.
Inaasahang malalaman ang resulta ng plebisito sa loob ng apat na araw.
Nasa 639,361 registered voters ang inaasahang boboto.