Ipinakukunsidera ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga sa pamahalaan ang ikalawang round ng COVID-19 vaccination sa bansa.
Ang hinihiling ng kongresista na isa pang round ng first at second dose ng bakuna ay para maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mas nakakahawa at mas mabilis na pagkalat ng COVID-19 variant na Omicron.
Giit ni Barzaga, dapat nang ikunsidera sa pandemic response ng gobyerno ang pagbibigay ng panibagong dalawang doses ng bakuna.
Batay aniya sa mga pag-aaral sa Hong Kong at Dominican Republic, hindi kinakitaan ng sapat na immunity laban sa COVID-19 ang dalawang full dose ng bakuna na sinundan ng mababang efficacy ng booster.
Kung tutuusin aniya sa ibang mga bansa gaya sa Israel ay nagsisimula na silang mag-administer ng ika-apat na dose ng COVID-19 vaccine upang mas maitaas pa ang level ng proteksyon sa kanilang populasyon.
Nakitaan pa na mas lalong tumaas ang immunity ng mga bakunadong indibidwal sa Israel nang isagawa ang fourth shot sa kanilang mamamayan.
Kung magdesisyon aniya ang task force na magbigay ng ikalawang round ng bakunahan ay simulan ulit ito sa mga priority groups na A1, A2, at A3 (health workers, senior citizens at mga may comorbities) na higit na maselan sa sakit.