Ikalawang round ng “Bayanihan, Bakunahan” Program, posibleng suspindihin sa ilang lugar dahil sa Bagyong Odette

Sususpindihin muna ang ikalawang round ng “Bayanihan, Bakunahan” Program sa ilang lugar na maaapektuhan ng Bagyong Odette.

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, iminungkahi na nila ito kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan kabilang sa apektado ang; Southern Tagalog, Central at Eastern Visayas at maging sa Northern Mindanao.

Imbes na sa December 15 hanggang 17, sinabi ng kalihim na posibleng i-usog ito sa December 20 hanggang 22.


Maliban sa mga nabanggit na lugar, tiniyak naman ni Duque na tuloy pa rin ang bakunahan sa Northern at Central Luzon maging sa CALABARZON.

Inaasahang magiging ganap na severe tropical storm ang Bagyong Odette bago ito pumasok sa bansa mamayang gabi at mag-landfall sa bisinidad ng Eastern Visayas at Caraga regions.

Tiniyak naman ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na handa ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na makipagtulungan sa kanilang regional at local offices para sa pagpasok ng bagyo.

Facebook Comments