Matapos ang pagpupulong sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Philippine Airlines (PAL), tiniyak ng DOLE na babantayan nila ang sitwasyon sa gagawing pagbabawas na ng 2,300 na mga manggagawa ng flag carrier.
Sa impormasyong pinalabas ng DOLE, ang kanilang tanggapan sa National Capital Region (DOLE-NCR) ang hahawak sa sitwasyon.
Tatlong bagay ang tututukan ng DOLE-NCR sa gagawing pagbabantay sa retrenchment ng PAL.
Una rito ang pagtiyak na mababayaran ang separation pay ng mga kawani, mapagkakalooban ng employment facilitation services at ang pagsusulong ng livelihood assistance ng DOLE para sa mga interesadong kawani.
Pinatitiyak din sa PAL na kailangang maabisuhan ang kagawaran at mga apektadong kawani, 30 na araw bago ang termination na itinakda naman ng PAL sa kalagitnaan ng Marso.