
Tuloy sa pagbiyahe ang ilang pampasaherong jeep sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila.
Ito’y kasunod ng ikalawang araw ng tigil-pasada ng grupong Manibela.
Marami pa ring pampasaherong jeep, mga e-vehicle at tricycle ang makikitang bumibiyahe kung saan wala naman naitatalang stranded na pasahero.
Sa kabila nito, naglaan pa rin ng libreng sakay ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD) habang patuloy na naka-monitor sa sitwasyon.
Wala ring problema ang biyahe ng jeep sa bahagi ng Blumentritt sa Rizal Avenue Punta, Sta. Ana at ilalim ng Nagtahan kahit pa may ilan mga miyembro ng Manibela ang hindi pumasada.
Patuloy na nagbabantay ang MPD habang inaabisuhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga commuters na makipag-ugnayan sa kanila sakaling mangailangan ng libreng sakay.